Saturday, July 13, 2013

Mga batang ZamboangeƱo gustong gustong mag-aral...


"Edukasyon daw ang susi sa tagumpay," makailang beses na ba nating narinig yan? Pero malaki pa rin ang paniniwala rito ng mga kababayan nating Zamboangeno.

Para sa mga bata na aming nakilala, dagat man ay sasagwanin, ilog man ay tatawirin at kahit pa nga bundok ay aakyati't bababain para matuto, para sila'y makapag aral.

Tulad nalang ni Jul Kipli Gani, labindalawang taong gulang, at kasalukuyang nasa ikaanim na baitang. Araw araw hinahatid sya ng kanyang ama sa eskwela. Mula labinlimang minuto hanggang dalawampung minuto nilang binabaybay ang dagat gamit ang kanilang de motor na bangka. Aminado ang ama ni Jul na minsan sinasagwan lamang nila ito at inaabot ng hanggang higit tatlumpong minuto.

Pagtatanim ng halamang dagat ang kinabubuhay nila Jul Kipli, tulad din ng karamihan sa kanilang kababayan sa Sumatra Mariki, isang kumpol ng kabahayang nakatirik sa tubig. Kabilang sila sa lahi ng mga badjao sa Zamboanga City.

Sakripisyo na ang pagpasok, sakripisyo pa rin pagdating sa paaralan. Sa dami ng mga batang naghalong badjao at tausog, tatlo ang naghihiraman sa isang aklat, tatlo rin ang nauupo sa upuang pang dalawahan, at ang classroom nila Jul Kipli, ang espasyo sa harap ng entablado, nilagyan lang ng bubong, ng silya at ng chalkboard.

Maliban kasi sa pagdoble ng bilang ng mga eatudyanteng pumasok ngayong taon, isa din sa gusali sa kanilang paaralan ang hindi na pinayagang gamitin ngayong ng mga kinauukulan, mapanganib na daw kasi itong pasukan dahil ang kisame at dingding ay sira sira na. Kaya ang remedyo, ang bakanteng sementado sa harap ng entablado.

Sa kabila nito, pursigido sa pagpasok si Jul, pangarap nyang maging pulis. Hindi rin naman kasi lingid sa kanya ang peligrong nakaambang sa kanilang lugar. Naniniwala syang malaki ang kanyang maitutulong sa pagpapanatili ng kaayusan. Suportado sya ng amang si Boyet dito.

Nag aral din ng pagpupulis dati si Boyet, ilang subjects na nga lang magtatapos na sana sya kaya lang kinapos ang kanyang mga magulang sa pagtustos sa kanyang pangangailan. Kaya naman ngayon, nais nyang pagsumikapang iraos ang pag aaral ni Jul Kipli. Kapag napagtapos nya daw ito, para na ring natupad ang kanyang noo'y minsan din pinangarap.